Ilang miyembro ng gang na umano’y nangingikil sa ilang negosyante sa Batangas industrial park, tinutugis na ng mga otoridad

by Radyo La Verdad | October 22, 2015 (Thursday) | 1944

SHERWIN_CIDG
Patuloy nang iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Group Region 4A ang siyam na miyembro ng Boyet Lat criminal group na naaresto noong Lunes sa Lipa city, Batangas.

Ayon sa CIDG, inatasan sila ng pamunuan ng PNP na tugisin at buwagin ang grupo na nagiging hadlang upang mag-invest ang mga negosyante sa rehiyon.

Kabilang sa mga naaresto ang itinuturong lider ng grupo na si Windy Lat alyas Boyet na umano’y hepe ng mga barangay tanod sa San Lucas, Lipa, Batangas.

Nakumpiska rin sa operasyon ang limang M16 rifle, pitong kalibre .45 na baril, dalawang kalibre .38 na baril at libo-libong mga bala.

Nasamsam rin sa mga suspek ang isang light anti-armor weapon o bazooka at rifle grenade.

Ayon sa CIDG, malaki at organisado ang nasabing grupo na ang modus operandi ay mang-harass at mangikil ng pera sa mga negosyante sa lima technologies park upang huwag perwisyuhin ang kanilang operasyon.

Kino-kontrata rin umano ng grupo ang mga nagpapatayo ng gusali sa loob ng industrial park upang sila na ang magsu-supply ng mga construction material.

Itinanggi naman ng umano’y lider ng grupo ang alegasyong pangha-harass at pangingikil ngunit aminado siyang pag-aari niya ang nakumpiskang dalawang baril na walang lisensya.

Sa kasalukuyan ay nakakulong na sa CIDG detention area sa Camp Vicente Lim sa Laguna si alyas Boyet kasama ang walo pangsuspek at isinasailalim na sa ballistics examinations ang mga nakumpiskang armas.

Tinutugis na rin ng mga otoridad ang iba pang miyembro ng grupo at ang mga kuneksyon nito.(Sherwin Culubong/UNTV Correspondent)

Tags: , ,