Ilang mining firms, sangkot sa destabilization plot vs administrasyon – Pres. Duterte

by Radyo La Verdad | March 14, 2017 (Tuesday) | 1277


Hindi lang drug money ang ginagamit ngayon upang pabagsakin umano ang Administrasyong Duterte.

Ayon mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte, maging ang mga mining corporation ay naglalabas din umano ng pera para sa destabilization plot laban sa kanya.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag kahapon sa isang joint press briefing sa Malakanyang kasama sina Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez.

Iprinisenta rin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kawani ng media ang ilang mga larawang katunayang sinisira umano ng ilang mining corporations ang kalikasan sa bansa

Ngunit ayon sa punong ehekutibo, bukas siyang makipag-usap sa mga miner upang marinig ang panig ng mga ito

Noong sabado ay sinabi ni Pres. Duterte na hindi matutumbasan ng 70 bilyong pisong kita ng pamahalaan mula sa mga minahan ang ginagawang paninira ng mga ito sa kalikasan.

Dahil din sa mga ito, sinabi ni Pangulong Duterte, na posibleng ikunsidera niya ang tuluyang pag-ban ng minahan sa bansa.

Gayunpaman, kinilala rin naman umano ng pangulo ang ginagawa ng mga responsible mining corporation na pag-restore sa nasisira sa kalikasan at pinapalitan ng panibago ang mga pinuputol na mga puno.

Muli rin nitong pinagtanggol si Environment Secretary Gina Lopez.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,