Ilang mambabatas, iginiit na magkaroon na rin ng bilateral agreement sa ibang mga bansa na may OFW

by Radyo La Verdad | February 27, 2018 (Tuesday) | 1807

Suportado ng House Committee on Overseas Workers Affairs at Committee on Labor Employment ang ipinatupad ng pamahalaan na total deployment ban ng overseas Filipino workers (OFW) sa Kuwait.

Pero ayon sa mga kongresista, hindi lang sa Kuwait may mga ulat ng pang-aabuso sa mga OFW kaya dapat tingnan rin ng pamahalaan ang sitwasyon ng mga manggagawa sa ibang bansa.

Anila, dapat maging leksyon ang nangyaring mga insidente sa Kuwait upang magkaroon ng bilateral sa ibang bansa na magbibigay proteksyon sa mga OFW.

Naipasa na rin sa Kamara sa third at final reading ang House Bill 6649 o ang pagpapaigiting sa pre-departure orientation ng mga OFW.

Sa naturang panukalang batas, ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang ahensyang mangunguna at magiging responsable sa pagbibigay ng orientation sa mga Pilipinong manggagawa na mangingibang bansa. Umaasa ang mga kongresista na hindi na maulit pa ang kaso ni Joanna Demafelis.

Samantala, nakahain na rin ngayon ang  panukala ng National Reverse Migration Bill na naglalayong hikayatin na bumalik sa bansa at mabigyan ng pangkabuhayan ang mga OFW na eksperto sa iba’t-ibang larangan  gaya ng agriculture, science, engineering at information technology.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,