Ilang lugar sa bansa, isasailalim sa mas mahigpit na Community Quarantine sa Pebrero

by Erika Endraca | January 29, 2021 (Friday) | 1679

METRO MANILA – Bagaman tumanggi si Presidential Spokesperson Harry Roque na idetalye ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force para sa community quarantine sa susunod na buwan, nagpahiwatig naman itong may mga lugar na sasailalim sa mas mahigpit na quarantine restrictions kaysa kasalukuyan nilang classification.

Ito ay dahil sa mas mataas na health care utilization rate sa ilang bahagi ng bansa bunsod ng bilang ng Covid-19 cases.

“Isa po sa mga tinitingnan natin para mas mapataas ang quarantine classification ay ang bed utilization rate. Okay? So you can imagine po bagama’t hindi pa natin isinasapubliko ang car at ang region xi, well, dahil nga po halos nasa moderate risk na sila, candidates po iyan for escalation ng community quarantine.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Iaanunsyo ng palasyo ang bagong quarantine classification na ipatutupad sa bansa bago mag Pebrero.

Ayon kay Presidential Spokesperson Roque, walang inaasahang public address kaugnay nito si Pangulong Rodrigo Duterte.

“So baka po magkaroon ng pag-aanunsyo , before the first of February, sigurado po yan, before the first of February.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Muling nagpulong kahapon (Jan. 28) ang Inter-Agency Task Force para sa resolbahin ang apela ng mga lokal na pamahalaan kaugnay ng quarantine classification.

Una nang sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na muling babalik sa General Community Quarantine (GCQ) ang Cordillera Administrative Region.

Samantala, mananatili naman ang Metro Manila sa GCQ ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,