Ilang LGU sa Metro Manila, sinimulan na ang pagtuturok ng second booster dose

by Radyo La Verdad | July 29, 2022 (Friday) | 10890

METRO MANILA – Sinimulan na kahapon (July 28) ng mga lokal na pamahalaan ang pagtanggap ng mga magpapabakuna ng second booster dose ng COVID-19 vaccines sa mga indibidwal edad 50 pataas at 18-49 yrs old na may commorbidity.

San Juan City, ang V mall sa Greenhills ang napili ng lungsod paara maging vaccination site ng mga nais na magpa-second booster shot. 1,000 ang kayang i-accommodate nito kada-araw ngunit para lamang muna sa mga residente, nagta-trabaho at nag-aaral sa lungsod.

Sa unang rollout nito ayon kay Mayor Francis Zamora, higit 200 indibidwal ang nakatanggap ng second booster shot o ika-4 na dose.

Maging ang Taguig City nagbukas na rin ng bakunahan ng expanded second booster dose, kung saan pinapayagan ang walk-in para sa lahat ng kanilang mga residente.

Paalala ng LGU huwag kalimutang dalhin ang vaccination card, valid ID at trace QR code.

Bukas naman Lunes hanggang Biyernes simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ang 6 na health centers sa Makati City para tumanggap ng mga magpapa-second booster dose. Gayundin ang 3 mga mall sa lungsod.

Sa ngayon tanging mga taga-Makati muna ang prayoridad na mabigyan ng second booster shot.

Sa guidelines na inilabas ng Department of Health (DOH) kailangang may 4 na buwan na interval simula ng makatanggap ng unang booster shot bago turukan ng second booster dose.

Hindi narin required sa mga may comorbidity na magpakita ng medical certificate, ngunit dadaan parin ang mga ito sa medical screening pagdating vaccination site.

Ayon sa DOH, sa ngayon Pfizer at Moderna pa lamang ang brand ng mga bakuna na maaaring gamitin para sa second booster dose.

Tiniyak naman ng pamahalaan na may sapat pang suplay ng mga bakuna sa bansa, ngayong mas pinaiigting at pinalalawak ang booster vaccination.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,