Lagpas tuhod ang tubig-baha sa Boni Avenue sa Mandaluyong City at mga karatig kalsada nito matapos ang ilang oras na pagbuhos ng ulan kagabi.
Dahil dito, hindi na madaanan ng mga sasakyan ang mga kalsada sa paligid ng Maysilo Circle.
Ito ay ang San Francisco Street, San Juaquin Street at Rosario Street sa kahabaan ng Boni Avenue.
Agad namang naglagay ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City ng mga signage upang maabisuhan ang mga motorista.
Subalit kahit pa may babala na ay sinubukan pa ring dumaan dito ng ilang motorista ngunit dahil sa taas ng tubig napilitan ang mga itong mag-detour at dumaan sa alternate routes.
Abala naman ito para sa mga motorista dahil kinakailangan pa anya nilang dumaan sa ibang ruta.
Ang iba naman, sanay na daw sa taun-taong pagbaha sa lugar.
Kasama namang nalubog sa baha ang isinasagawang flood control project ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa Maysilo Circle.
Noon pa man ay inirereklamo na ang proyekto dahil sa epekto nito sa kabuhayan ng mga residente at abalang idinudulot nito sa mga motorista.
Subalit ayon sa DPWH, tiis-tiis muna dahil ito ang nakikitang pangmatagalang solusyon upang hindi na muling magkaroon ng baha sa lugar.
Ang mga tubig sa mga kalapit na lugar tuwing umuulan ay naiipon sa Maysilo subalit kapag natapos na daw ang proyekto, ang mga tubig na ito ay papasok sa mga drainage at diretsong ibubuga sa ilog Pasig.
Nagkaroon lang daw ng delay sa konstruksyon nito noong nakaraang taon pag pasok ng tag-ulan.
Noong Enero ng nakaraang taon sinimulan ang proyektong ito ng DPWH sa Mandaluyong City at ayon sa kanila tatapusin nila ito ngayong buwan ng Mayo.
Ang problema lang ay patapos na ang Mayo at nagsimula na rin ang panahon ng tag-ulan.
(Macky Libradilla/UNTV NEWS)