MRT 3 management, inaming nagkaroon ng failure of communication sa nangyaring aksidente ng 2 maintenance service vehicle

by Radyo La Verdad | September 27, 2018 (Thursday) | 13968

Inamin ng MRT 3 management na nagkaroon ng failure of communication sa nangyaring bangaan ng dalawang maintenance service vehicle na ikinasugat ng pito sa kanilang mga tauhan.

Ayon kay MRT 3 Director for Operations Engineer Michael Capati, nagkaroon umano ng kapabayaan sa safety protocol kaya’t nagkabanggaan ang dalawang unimog batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon ukol sa nangyaring salpukan ng dalawang unimog o maintenance service vehicle ng tren kahapon.

Dahil sa insidente, plano ngayon ng MRT management na rebisahin ang kanilang safety protocol upang hindi na maulit ang pangyayari. Pasado alas tres ng madaling araw kahapon ng mangyari ang insidente.

Paliwanag ng MRT managent, hindi umano napansin ng paparating na maintenance service vehicle ang isa pang unit nito na noo’y nakaparada at may kinumpuni.

Sinubukan pa anila ng driver ng isang unimog na ihinto ang sasakyan subalit hindi ito kinaya ng preno.

Agad na isinugod na sa Victor R. Potenciano Medical Center sa Mandaluyong City ang pitong tauhan ng MRT na nasugatan sa aksidente.

Nagtamo ang mga ito ng bali sa balikat at balakang at iba’t-ibang sugat sa ulo at iba pang parte ng katawan.

Dalawa sa mga biktima ang kasalukuyang inoobserbahan sa ICU, habang nakalabas na sa ospital ang driver ng isang unimog na nagtamo ng minor injury.

Sasagutin naman ng MRT management ang gastos sa pagpapagamot sa mga biktima.

Pasado alas sais na ng umaga kahapon nang muling maibalik sa normal ang operasyon ng MRT-3, kaya naman libo-libong mga pasahero ang muli na namang naperwisyo at nahuli sa kanilang trabaho at eskwela.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,