Ilang isinarang kalsada sa Metro Manila dahil sa APEC Summit, bubuksan na bukas ng alas kuwatro ng hapon

by Radyo La Verdad | November 19, 2015 (Thursday) | 3970

mon_road
Labing tatlo sa mga Economic leader ang uuwi na sa kanilang mga bansa ngayong araw, subalit mayroon pa ring ilang maiiwan at naka skedyul pa na umuwi bukas gaya ni US President Barack Obama.

Dahil dito, mananatiling sarado ang ilang lansangan bukas sa Metro Manila at inaasahang bubuksan pa bandang alas kwatro ng hapon.

Ang kahabaan ng Roxas Boulevard sarado pa rin mula Katigbak road hanggang airport road sa Pasay.

Maging ang paligid ng Cultural Center of the Philippines, off limits sa mga motorist.

Ang APEC lane sa Edsa, hindi pa rin tatanggalin kayat mas makitid na kalye ang dadaanan ng mga motorista.

Tuloy ang implementasyon ng stop and go scheme, hindi lang mga sasakyan ang pahihintuin ng tatlumpung minuto, pati mga tren ng mrt at maging mga pedestrian hindi pahihintulutang tumawid.

Pinayuhan ang lahat na dumaan sa mga alternatibong ruta gaya ng Mabuhay lane upang makaiwas sa mabigat na trapiko.

Ang number coding patuloy na ipatutupad, habang mula alas dyes ng gabi hanggang alas sais lamang ng umaga papayagan ang mga truck na makadaan sa truck lane.

Nagpaalala naman ang mmda at pnp hpg sa mga motorista at commuter sa mabigat na trapiko bukas dahil balik trabaho na ang mga nasa pribadong sektor.

Noong nakaraang Lunes, marami ang naabala ng mabigat na trapiko sa edsa dahil sa ginagawang paghahanda sa APEC Summit.

Pinangangambahang mauulit ito bukas habang naririto pa sa bansa ang pitong Economic leader.(Mon Jocson/UNTV Correspondent)

Tags: ,