Ilang eksperto, nagbabala na huwag balewalain ang overactive bladder o balisawsaw

by Radyo La Verdad | November 12, 2018 (Monday) | 3776

Madalas na pag-ihi, mahapdi o pakiramdam na tila hindi nauubos ang ihi, ilan lamang ito sa mga palatandaan ng overactive bladder o balisawsaw.

At bilang bahagi ng paggunita sa Bladder Health Awareness Month muling nagpaalala ang ilang mga eksperto na hindi dapat balewalain kung nakararanas nito ang isang tao.

Ang mga may ganitong uri ng karamdaman ay maaari anilang makaramdam ng pagkahiya, i-isolate ang sarili at limitahan ang kanyang work at social life.

Ang ganitong problema sa pantog ay maaaring maranasan ng mga nasa edad 19 pataas.

Sa isinagawang programa sa World City Medical Center noong Sabado na pinangunahan ng Philippine Eurology Association at pakikipagtulungan ng Japanese pharmaceutical company na Astellas Pharma Philippines Incorporated, ipinaalala ng mga eksperto ang kadalasang sanhi ng balisawsaw.

Kabilang na rito ang impeksyon, baradong daluyan ng ihi, neurological disorders, diabetes o maaring hormonal naman sa mga post menoposal female.

Tatlo hanggang pitong beses anila ang kadalasang pag-ihi ng isang tao bawat araw. Ngunit kung humigit pa umano rito ay kinakailangan nang komunsulta sa doktor.

Samantala, kasabay naman ng programa ay nagkaroon ng libreng konsultasyon kaugnay ng overactive bladder ang grupo sa mga dumalo

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,