Sunud-sunod na pag-ulan, malaking tulong sa paghahanda sa El Niño

by Radyo La Verdad | December 21, 2015 (Monday) | 1727

DAMS
Hindi na magkakaproblema sa suplay ng tubig ang Metro Manila sa pagdating ng El Niño. Dahil sa sunud-sunod na pag-ulan nitong mga nakaraang araw, malaki ang naidagdag sa tubig sa mga dam sa North Luzon kaya’t inaaasahang magiging sapat ang suplay ng tubig sa Metro Manila para sa kuryente, gamit sa mga tahanan, irigasyon, at maging mga palayan pagdating ng taong 2016.

Kailangan lamang mapanatili ang tamang elebasyon ng tubig upang hindi umapaw ang mga dam.

Sa ngayon ay naka-red alert status ang ilang dam sa North Luzon dahil sa posibleng pag-apaw ng tubig bunsod ng walang patid na pag-ulan.

Ayon kay Ginoong Richard Orendain, hydrologist ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), malapit na sa spilling level ang Magat, San Roque, Ambuklao at Binga dams.

Ang current elevation ng Magat ay nasa 193.24.

Ang elevation ng San Roque sa ngayon ay 279.29 meters, malapit na malapit na sa spilling level nito na 280 meters.

Ang Ambuklao na may spilling level na 752 meters ay may current elevation na 750.68.

574.68 meters naman ang current elevation ng Binga na may spilling level na 752.

Kapag nagpakawala ng tubig ang Ambuklao at Binga ay sasaluhin ito ng San Roque Dam papuntang Anglo River sa Pangasinan.

Kahapon ng umaga ay nauna nang nagpakawala ng tubig ang Angat, Ipo at Bustos.

Tags: , , , , , ,