Ilang bayan sa Luzon, lumubog din sa baha

by Radyo La Verdad | July 17, 2018 (Tuesday) | 2241

Binaha ang ilang pangunahing lansangan sa mga bayan ng Sta. Cruz, Victoria, Majayjay, Calamba, Sta. Rosa at San Pedro City dahil sa magdamag na malakas na pag-ulan.

Ilang bahay rin na gawa sa light materials ang nawasak ng malalakas na hampas ng alon sa tabi ng dagat sa Barangay Wawa, Nasugbo, Batangas kaninang umaga. Inilagay naman ng mga mangingisda sa mataas na lugar ang kanilang mga bangka upang hindi matangay ng alon.

Sa Bulacan, tatlong bayan ang nakaranas ng pagtaas ng tubig dahil sa mga pag-ulan dulot ng Bagyong Henry na sinabayan pa ng hightide.

Apektado ang mga lugar malapit sa coastal area, kabilang na dito ang bayan ng Obando, Hagonoy at Marilao kung saan umabot ng hanggang tuhod ang tubig baha.

Dahil dito, sinuspinde ang klase sa lahat ng antas mapa pribado o pampublikong paaralan.

Sa Barangay Tabing Ilog, Marilao naman, unti-unti nang nagsisilikas ang mga residente dahil umabot na ng hangang hita na baha.

Sa Pampanga, umabot naman hanggang tuhod ang baha sa Macabebe at Masantol.

Samantala, tanghali na nagdeklara ng walang pasok ang ilang paaralan kaya inabutan na ng pagtaas ng tubig ang ilang estudyante.

At sa Bataan, bumagsak naman ang isang pader sa Sitio Jerico Barangay Mountain View, Mariveles, Bataan dahil walang tigil na ulan.

Ayon sa residente sa lugar, posibleng humina na kapit nito sa lupa bunsod ng magdamag na pagkakababad sa tubig baha.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

Tags: , ,