Ilang airlines, nagpatupad ng terminal adjustment bilang paghahanda sa dagsa ng mga pasahero

by Radyo La Verdad | November 28, 2022 (Monday) | 4914

METRO MANILA – Posibleng madagdagan ng nasa 13%-15% ang passenger volume sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) simula sa December 15 o ang peak season.

Ayon kay Manila iIternational Airport Authority (MIAA) Senior Assistant General Manager Bryan Co, sa ngayon ay umaabot sa 100,000 kada araw ang bilang ng arrival at departure ng mga pasahero sa NAIA.

Bunsod nito puspusan na ang ginagawang paghahanda ng MIAA sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong holiday season.

Nagabiso rin ang MIAA na simula sa December 1 pansamantalang ililipat ang ilang flights mula sa terminal 2 patungo ng terminal 1 upang ibsan ang congestion o ang siksikan ng mga pasahero sa NAIA.

Ang lahat ng flights ng Philippine Airlines (PAL) patungo at galing sa Dammam, Doha, Dubai, Riyadh, Toronto, Vancouver, Los Angeles, New York, San Francisco, Honolulu, at Guam ay sa terminal 1 na magsasakay at magbababa ng mga pasahero.

Ang lahat ng domestic flights at ilang international flights naman ng PAL papunta at galing sa bali, Bangkok, Brisbane, Fukoaka, Tokyo (Haneda), Hanoi, Ho Chi Minh City (Saigon), Hong Kong, Jakarta, Osaka (Kinsei), Kuala Lumpur, Macau, Melbourne, Tokyo (Narita), Phnom Penh, Port Moresby, Singapore, Sydney, Taipei at Wuhan ay mananatiling sa terminal 2 magsasakay at magbababa ng pasahero,

Ang mga byahe naman ng Airasia Philippines patungong Caticlan at Cebu ay ililipat sa terminal 3 ng paliparan mula sa terminal 4 nito simula December 16.

Habang ang iba pang domestic flights ng Airasia ay magpapatuloy pa rin sa terminal 4 kung saan pareho pa rin ang magiging flight schedules.

Samantala, sa isang pahayag sinabi naman ng civil aeronautics board na posibleng wala pang pagtaas ng presyo ng pasahe sa mga eroplano dahil wala namang naging pagbabago ng singil sa fuel surcharge

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: ,