Ikalawang suspek sa pag-hack sa COMELEC website, naaresto na ng NBI

by Radyo La Verdad | April 29, 2016 (Friday) | 2604

RODERIC_HACK
Hawak na ng NBI ang ikalawang hacker na suspek sa pananabotahe sa COMELEC website nitong nakalipas na buwan.

Kinilala ng NBI ang naarestong suspek na si Jonel De Asis, 23 anyos, isang I-T graduate ng Technological University of the Philippines.

Naaresto si De Asis sa kanilang bahay sa Muntinlupa City kagabi matapos magpatupad ng search warrant ang NBI.

Nakumpiska kay De Asis ang laptop na naglalaman ng nasa 340 gigabytes ng data na ninakaw sa COMELEC website.

Ayon sa NBI, inamin ni De Asis na siya si Lulzec, at siya ang nag upload ng mga ninakaw na data sa internet.

Una nang naaresto ng nbi noong isang linggo ang I-T graduate na si Paul Biteng na suspek din sa pananabotahe sa website ng COMELEC.

Sina Biteng at De Asis ang itinuturing na pangunahing suspek sa hacking incident.

Nais lamang umanong patunayan ng dalawa na madaling pasukin ang website ng COMELEC ngunit tinitingnan na rin ng NBI ang posibilidad na naibenta ang ninakaw na mga impormasyon ng mga botante.

Iniimbestigahan na rin ng bagong tatag na National Privacy Commission ang insidente upang alamin ang lawak ng data leak at magabayan ang mga Pilipino na huwag mabiktima ng mga masasamang-loob na posibleng gumamit sa kanilang mga personal na impormasyon.

Nagbabala naman ang NBI sa mga gagamit ng nakaw na impormasyon mula sa COMELEC na posible silang maharap sa kaukulang kaso.

Sasampahan ng nbi ng paglabag sa Anti Cybercrime Law si De Asis habang pinaghahanap naman hanggang sa ngayon ang ikatlong suspek.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,