Ikalawang bahagi ng report ng DOJ-NBI Special Team ukol sa Mamasapano incident, isinapubliko na

by Radyo La Verdad | October 8, 2015 (Thursday) | 2738

DOJ
Noong nakaraang Abril, inilabas ng Department of Justice ang unang bahagi ng kanilang report ukol sa Mamasapano incident at inrekomendang kasuhan ng direct assault with murder at theft ang 90 suspek na pawang miyembro ng MILF, BIFF, at ilang private armed group dahil sa pagkasawi ng 35 tauhan ng PNP SAF.

Ngayon araw naman inilabas ang ikalawang bahagi ng report ng DOJ.

Ngunit walang rekomendasyon sa ngayon ang DOJ Special Investigation Team kung sinu-sino ang dapat kasuhan sa pagkamatay ng siyam na miyembro ng 84th Seaborne Company na lumusob sa bahay ng teroristang si Marwan sa Brgy Pidsandawan sa Mamasapano, Maguindanao.

Ayon kay Sec. Leila de Lima, kahit napatunayan sa imbestigasyon na sinadyang patayin ang mga SAF Commando, walang nakuhang testigo ang panel na makapagtuturo sa mga salarin.

Hindi naman aniya tamang ipagpalagay na ang mga miyembro ng MILF, BIFF at private army na una nang sinampahan ng reklamo sa pagkamatay ng 35 SAF Troopers sa Brgy Tukanalipao ang siya ring dapat managot sa krimen.

Dahil mismong mga kasamahan ng siyam na commandos ay walang makapagsabi kung sino ang kanilang nakasagupa.

Wala ring inirekomendang kaso ang panel laban kay P02 Christopher Lalan, ang nag iisang survivor ng 55th Special Action Company na sinasabing pumatay mga sibilyan sa isang maliit na mosque sa Sitio Amilil.

Ayon kay De lima, walang naipakitang mga bangkay at kahit ang MILF, hindi nagsumite sa panel ng katibayan ng sinasabing mga sibilyan na napatay ni P02 Lalan.

Wala rin aniyang testigo na makapagturo kay P02 Lalan at walang nagsumite ng sinumpaang salaysay sa mga kaanak ng mga biktima.

Kahit ang mga larawan ng mga biktima, hindi umano authenticated.

Samantala, kinumpirma sa report ng DOJ Panel ang pagtisipasyon ng Estados Unidos sa operasyon sa Mamasapano noong Enero upang mahuli ang teroristang si Marwan.

Ngunit limitado lamang ito sa pagbibigay ng impormasyon, technical support at sa paglilikas ng mga sugatan.

Kinumpirma rin sa report na gumamit ng drone ang Estados Unidos habang isinasagawa ang operasyon ngunit hindi armado ang mga ito at hindi ito nagsagawa ng air strikes.

Hindi rin umano kasali ang mga sundalong amerikano sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng PNP-SAF at mga tauhan ng MILF, BIFF at mga private army.

Sa pamamagitan ng ikalawa at huling bahagi ng report ng DOJ Special Team ay tuluyan nang isinantabi ang alegasyon ng umano’y alternative version ng insidente at pinagtibay na ang mga saf ang nakapatay sa teroristang si Marwan.

Hindi na rin isinapubliko ang ibang detalye ng report dahil may kinalaman na ito sa national security. ( Roderic Mendoza / UNTV News)

Tags: ,