Ginunita kahapon sa Eastern Visayas ang ikalimang taon mula ng manalasa ang Super Typhoon Yolanda. Idineklarang non-working holiday ang araw na ito sa mga bayang naapektuhan ng bagyo gaya ng Tacloban, Palo, Tolosa at iba pa.
Ika-8 ng Nobyembre 2013 nanalasa sa bansa ang Super Typhoon Yolanda. Nagdulot na ng storm surge ang malakas na bagyo kung saan umabot sa anim na talampakan ang taas ng alon ang humampas sa lupa.
Pero makalipas ang limang taon, ilan sa mga napinsala ng bagyo ay wala pa ring maayos na tirahan.
Kaya kasabay ng komemorasyon sa pananalasa ng Bagyong Yolanda ay nagsagawa ng kilos-protesta ang mahigit sa tatlong libong miyembro ng grupong people surge. Ito’y bunsod ng hindi umano pagtupad ng pamahalaan sa mga pangako nito sa mga survivor ng super typhoon.
Ayon kay People Surge Acting President Dr. Efleda Bautista, hindi pa lahat ng mga nakaligtas sa bagyo ay nakatanggap ng 5,000 piso na financial assistance na ipinangako ni Pangulong Duterte.
Inirereklamo din ng mga ito ang National Housing Authority (NHA) dahil hindi pa kumpleto ang ipinatayo mga pabahay para sa mga nasalanta ni Yolanda.
Nanawagan din ang mga ito kay Pangulong Duterte na pagtuunan ng pansin ang Eastern Visayas na hanggang ngayon ay hindi pa lubusang nakakabangon mula sa dumaang kalamidad.
Samantala, bilang bahagi ng paggunita sa anibersaryo ng Super Typhoon Yolanda ay nagsagawa ng wreath laying sa Tacloban Astrodome grounds na pinangunahan ni Leyte Gov. Mic Petilla.
Nagkaroon din ng candle lighting at pagpapalipad din ng sky lanterns sa Yolanda Memorial.
( Jenelyn Gaquit-Valles / UNTV Correspondent )