Ika-46 anibersaryo ng Martial Law, sinabayan ng kilos-protesta

by Radyo La Verdad | September 21, 2018 (Friday) | 6474

Daan-daang mga ralisyista mula sa iba’t-ibang sektor ang nakiisa sa malawakang kilos-protesta na isinagawa ngayong araw kasabay ng paggunita sa ika-46 na taon ng deklarasyon ng martial law.

Kabilang sa mga grupong nakilahok sa protesta ang Partidong Lakas ng Masa, Gabriela, Kadamay, ACT Teachers Partylist, grupo ng mga estudyante mula sa iba’t-ibang unibersidad at iba pang miyembro ng simbahan.

Unang nagtipon-tipon ang mga militanteng grupo sa may tapat ng UST-España, sama-samang naglakad patungong Mendiola, at saka tumulak patungo dito sa may Luneta.

Bitbit ang mga placards at banner kung saan nakasulat ang mga katagang “End Martial Law”.

Muling binatikos ng mga raliyista ang sari-saring mga karahasan at paglabag sa karapatang pantao na nangyari noong martial law sa ilalim ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sabay-sabay rin isinigaw ng mga nagpo-protestang grupo ang “Never Again to Martial Law” upang tuligsain ang anila’y tila nauulit na kasaysayan sa ilalim naman ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Itoy’ dahil sa laganap na paglabag sa karapatang pantao, pangigipit sa mga kritiko ng Pangulo at pagsikil sa malayang pamamahayag sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Sa kabila ng init ng panahon at malakas na buhos ng ulan, bandang alas dos ng hapon kanina ay hindi natinag ang mga nagpo-protestang grupo upang maipahatid ang kanilang saloobin at pagtutol sa tila diktador na pamumuno ni Pangulong Duterte.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,