Ika-2 distrito ng Pampanga, nagdeklara ng State of Calamity.

by Erika Endraca | April 24, 2019 (Wednesday) | 56502

Porac, Pampanga – Nagkasundo ang provincial board ng Pampanga na isailalim sa State of Calamity ang Ikalawang Distrito ng lalawigan matapos na mapinsala ng 6.1 magnitude na lindol na tumama noong Lunes.

Sa isang mensahe mula kay Vice Governor Dennis Pineda na siya ring Presiding Officer ng provincial board, ipinahayag nito na nagdeklara sila ng state of calamity upang matulungan ang nga residente at establisyimento na lubhang napinsala ng lindol.

Sa bisa ng deklarasyon ng state of calamity mas mapapabilis ang paggamit sa calamity ng isang lalawigan o syudad kapag lubhang nasalanta ng kalamidad.

Kabilang sa mga bayan na sakop ng ikalwang distrito ang floridablanca, guagua, lubao,porac, sta. rita at sasmuan.

Samantala, hawak na ng pulisya ang may ari ng gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac Pampanga.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, inimbitahan nila sa criminal investigation and detection group ang negosyante upang malaman kung may kapabayaan ito sa nangyaring aksidente.

“Si mr.chu is under the custody of porac police station he is under investigation para makita kung merong negligence we have also information na yung iba niyang building sa may apalit mukhang may crack din tinitignan din natin baka pati yun eh hindi nagconforme sa building code” pahayag ni PNP Chief Oscar Albayalde .

Samantala ipinagutos na rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa iba pang local government unit sa Pampanga ang pagsususpinden sa business permit ng iba pang branch ng Chuzon Supermarket.

Layon nito na masigurong ligtas ang iba pa nilang establisyimento upang hindi na maulit ang trahedyang sinapit sa isa sa kanilang branch sa Porac Pampanga.

 “Titignan natin factual basis yung sa plano ng kanyang structure hindi ito confirmed pero ang sabi ito daw ay dating 2 storey lang at inextend sa 4th floor tignan natin kung nasunod structural design nya  isuspend muna yung business nitong nga chuzon supermarket hanggang sa verify natin na ito ay compliant sa building code” ani DILG Sec. Eduardo Año

Kahapon ay kumuha na rin ng forensic sample ng gumuhong gusali ang Department of Public Works and Highways (DPWH), upang masuri kung substandard o hindi ang ginamit sa materyales sa nasabing supermarket.

Ayon kay Sec. Villar posibleng tumagal ang pagsusuri sa loob ng 1 hanggang 2linggo bago malaman ang resulta.

“Magko conduct muna kami ng forensic analysis ng building so at this point nagcollect muna kami ng samples” ayon kay DPWH Sec. Mark Villar.

Samantala, personal na bumisita kahapon sa Porac Pampanga si Pangulong Rodrigo Duterte upang aktwal na makita ang pinsalang iniwan ng lindol.

Pagkatapos nito ay pinulong rin ng pangulo ang iba pang mga disaster official sa provincial capitol office ng Pampanga.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , ,