iDOLE card para sa mga OFW, maipapamahagi na sa susunod na taon

by Radyo La Verdad | December 15, 2017 (Friday) | 1729

Simula sa susunod na taon, ay maaari nang ma-avail ng mga Overseas Filipino Workers ang iDOLE OFW card ng Department of Labor and Employment. Kapalit ito ng Overseas Employment Certificates o OEC.

Valid ito sa loob ng dalawang taon at malilibre ang mga OFW sa pagbabayad ng terminal fee at travel tax at magsisilbi rin itong travel exit clearance.

Ang iDOLE OFW card ay patunay din na ang isang OFW ay dumaan sa legal na pag- proseso ng kanilang mga dokumento sa Philipine Overseas Employment Agency o POEA. Libre ito at hindi na kailangan pang pumila sa POEA ang mga OFW dahil pwede ng itong makuha at ma-proseso online.

Ngunit di pa man ito nailalabas ay umani na ng iba’t-ibang negatibong komentaryo mula sa mga netizen ang disenyo nito na inilabas ni Presidential Communication Operations Office o PCOO Assistant Secretary Mocha Uson.

Pinuna ng mga netizen ang larawan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ID na mas malaki pa umano sa picture ng  OFW card holder. Dinepensahan naman ni ito ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Paliwanag din ng kalihim na sa daang-daang mensaheng natatanggap nito araw-araw wala pa ni isang OFW ang nagsabing hindi maganda ang design nito.

Apela ni Sec. Bello sa publiko na kapag may nalalaman silang reklamo kaugnay ng iDOLE OFW card ay kaagad na ipagbigay alam sa Labor Department.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,