IBP, handang kwestiyunin sa SC ang anomang unconstitutional provision ng ipapasang BBL

by dennis | May 13, 2015 (Wednesday) | 1465

ibp

Inilunsad ngayon ng Integrated Bar of the Philippines ang special issue ng kanilang journal upang matalakay ang mga probisyon na nakapaloob sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Tinalakay sa journal ang mga constitutional issues ng BBL gaya ng pagiging substate ng bangsamoro entity, ang pagkakaroon ng Bangsamoro waters, ang issue ng checks and balances sa Bangsamoro government, at ang mga eksklusibong kapangyarihan na ibibigay sa Bangsamoro sa ilalim ng BBL.

Kasama rin sa journal ang opinion ni retired Supreme Court justice Vicente Mendoza na nagsasabing kailangang amyendahan ang Konstitusyon upang maipasa ang panukalang BBL.

Ayon kay IBP president Vicente Joyas, nananatili bukas ang kanilang grupo sa isyu at ang mga nakapaloob sa journal ay mga personal na posisyon lamang ng mga author nito.

Tiniyak ni Joyas na susuportahan nila ang ipapasang Bangsamoro Basic Law at tutulong sa pagpapatupad nito sa kondisyon na nakaayon ito sa Saligang Batas ng bansa.

Naniniwala aniya ang IBP na ito lamang daan sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Ngunit babala nito, hindi sila magdadalawang isip na kwestyunin sa Korte Suprema ang ipapasang BBL kapag nakitaan ito ng mga paglabag sa Konstitusyon.(Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , , ,