Iba’t-ibang ahensya, hinimok na bumuo ng Traffic Management plan upang maiwasan ang matinding trapiko sa Skyway Project

by Erika Endraca | October 3, 2019 (Thursday) | 3545

MANILA, Philippines – Nagdulot ng matinding abala sa mga commuter ang mabigat na daloy ng trapiko sa South Luzon Expressway (SLEX) bunsod ng pagsasara sa Third lane partikular na sa bahagi ng Skyway project dahil sa ginagawang construction,  kung saan umabot na sa 4 na oras ang byahe mula San Pedro, Laguna papuntang Makati city.

Maging ang mga residente sa Muntinlupa City, hindi na halos makausad sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay dahil sa epekto ng matinding trapiko.

“There was not enough lead time for them to be informed for them to come up with, for us to come up with a management plan. Ngayon from Alabang all the way to Tunasan, daily bug down, so life practically stops.” ani Muntinlupa City Representative Rufino Biazon.

Dahil dito hinimok ni Transportation Committee Chairman Edgar Sarmiento ang mga ahensya ng pamahalaan na bumuo ng isang traffic management plant batay sa mga nakuhang datos sa naganap na pagdinig.

“Isang taon po mahigit itong project nila. Ngayon we are only October of 2019, matatapos po yan December of 2020. Kung iisipin nyo po arawan na arawan ganyan ang ibibigay natin sa mga tao, napakahirap.” aniTransportation Committee Chairman Edgar Sarmiento.

Nauna nang sinabi ng pamunuan ng Skyway O&M Corporation (SOMCO), ang kumpanyang namamahala sa pagpapagawa ng Skyway project, na kapag natapos na ang stage 3 ay muling gagaan ang daloy ng mga sasakyan pagdating ng Disyembre.

Humingi rin ng paumanhin ang SOMCO sa naging pagkukulang nila na ma inform ng maaga ang publiko kung kaya’t marami ang nabigla sa matinding trapiko sa SLEX.

Ngayong araw (October 3) ay ina-asahan ni Sarmiento na maipi-presenta na ang naturang Skyway Traffic Management Plan sa kanilang committee hearing.

Pahayag naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pag uusapan nila ng maigi ang mga ma-aaring gawin kasama ang somco upang mabigyan ng sulusyon ng problema sa trapiko sa SLEX.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: ,