Iba pang sangkot sa mga aberya ng MRT, pinaiimbestigahan ni Pangulong Duterte sa OSG

by Radyo La Verdad | March 6, 2018 (Tuesday) | 6723

Bukod sa mga naihain ng reklamong plunder dahil sa MRT-3 maintenance deal laban sa siyam na dating opisyal ng nakalipas na administrasyon, inatasan na rin ni Pangulong Duterte si Solicitor General Jose Calida na pag-aralan kung may iba pang dapat na mapanagot sa mga kapalpakan ng MRT-3.

Naihain na sa Office of the Ombudsman ang mga kasong plunder laban kina dating Transporation Secretary Jun Abaya at dating Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, pangmatagalang solusyon ang nais ng pamahalaan para sa MRT-3.

Sa ika-23 Cabinet meeting kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte, isa sa natalakay na long-term solution ay ang pagkakaroon ng panibagong ownership o pagmamay-ari sa naturang public transportation at hindi lang ang aspeto ng maintenance at operation.

Sa kasalukuyan, ang pribadong kumpanya na Metro Rail Transit Corporation ang nagmamay-ari sa MRT-3.

Bukod dito, kabilang din sa mga plano ng pamahalaan ay bilhin ang lahat ng kinakailangang spare parts at magkaroon ng panibagong kontrata sa orihinal na maintenance contractor nito na Sumimoto Corporation ng Japan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,