IATF-EID, nilinaw na hindi kasama sa napag-usapan ang pagkakaroon ng ‘total lockdown’

by Radyo La Verdad | April 21, 2020 (Tuesday) | 11658

METRO MANILA – Nilinaw ng Interagency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na hindi totoo ang kumakalat na voice clips sa social media hinggil sa umano’y posibleng pag-aanunsyo ng total lockdown ni Pangulong Duterte sa susunod na linggo.

Ayon kay Secretary Karlo Nograles, hindi kasama sa kanilang pagpupulong ang pagkakaroon ng total lockdown.

“Wala kasi sa vocabulary namin ‘yung total lockdown. Ang discipline naman namin sa IATF, ‘quarantine’. Community quaratine, modified o enhanced, general community quarantine. So, we never use ‘yung ‘lockdown,'” ani Sec. Karlo Nograles, IATF-EID Spokesperson and Cabinet Secretary.

Ayon sa kalihim, kanilang rerebyuhin ang kanilang mga naging rekomendasyon kay Pangulong Duterte upang mas mabigyan ang Punong Ehekutibo ng options para sa pagdedesisyon kung ano na nga ba ang mangyayari pagkatapos ng April 30.

Binigyang halimbawa nito ang option ng pagkakaroon ng modified quarantine at ang mga salik na dapat pag-aralan sa pagsasagawa nito katulad ng pag-identify sa mga lugar na may may maraming kumpirmadong kaso ng COVID-19, edad at mga industriyang maaaring bumalik sa operasyon at maaaring i-maintain ang social distancing.

Kasama rin sa titingnan ay ang mga uri ng transportasyon na maaaring ipatupad ang physical distancing. 

“Sinabi ng Pangulo, ‘ok, ibalik niyo muna sa IATF, usap kayo ulit and then come back to me again kung ano yung napagdesisyunan ninyo or napag-agreehan ninyo at yung mga output ninyo,” ayon kay Sec. Nograles.

Tiniyak naman ng IATF-EID na kanilang kinokonsidera ang mga guidelines ng World Health Organization at mga input ng pribadong sektor sa kanilang paglatag ng mga rekomendasyon.

Dagdag pa ng kalihim, isa sa kanilang pinagtutuunan ng pansin ang expanded mass testing upang mas maging kampante aniya sila sa pag-modify ng quarantine.

(Harlene Delgado)

Tags: , ,