Pinatawan ng dismissal mula sa serbisyo ng Korte Suprema ang isang Huwes sa Nueva Vizcaya matapos mapatunayang guilty ito ng gross misconduct.
Sa botong 8-5, nagdesisyon ang Supreme Court na tanggalin sa serbisyo si Judge Alexander Balut, ang acting Presiding Judge ng Municipal Trial Courts ng Bayombong at Solano, Nueva Vizcaya.
Bukod sa pagkaka dismiss sa serbisyo, tinanggalan din ng lahat ng benepisyo ang Huwes at pinagbabawalang muling magtrabaho sa alinmang sangay ng gobyerno.
Nag ugat ang kaso laban kay Judge Balut sa ginawang audit at inventory ng mga kaso sa hinahawakan niyang mga korte.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Korte Suprema na tatlumput tatlong kaso ang napabayaan at hindi nadesisyonan ni Judge Balut sa loob ng mahabang panahon samantalang mahigit isandaang mosyon ang hindi nito naresolba sa loob ng syamnapung araw na reglementary period.
Natuklasan din na inuutang ng Huwes ang Fiduciary fund ng korte, umabot sa mahigit 200 thousand pesos ang pagkakautang nito.