Huling batch ng OFW na nakapag-avail sa amnesty program ng Kuwait, nakauwi na

by Radyo La Verdad | April 24, 2018 (Tuesday) | 3816

Sakay ng Qatar Airways QR934, dumating sa Ninoy Aquino International Aiport Terminal One kahapon ang dalawang daan at labing anim na overseas Filipino workers (OFW) mula sa Kuwait.

Sila ang huling batch ng mga OFW na nakapag-avail sa extended amnesty program ng Kuwaiti government.

Ilan sa mga ito ay paso na ang kontrata o na-cancel ang working permit kaya sinamantala ang amnesty program upang makauwi ng Pilipinas.

Balak naman ng ilan na mag-training upang makakuha ng mas maayos na trabaho sa ibang bansa.

Dala naman ng ilang OFW sa pagbalik sa bansa ang kanilang mga sanggol.

Sinalubong ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa NAIA ang mga nakauwing manggagawa.

Pinagkalooban ng financial at livelihood assistance ang bawat OFW.

Ayon kay Cayetano, bagaman tapos na ang amnesty program ng Kuwait, patuloy namang tutulungan ng pamahalaan ang mga OFW sa naturang Gulf state.

Mahigit sampung libo ang tinatayang dami ng undocumented OFW sa Kuwait subalit mahigit limang libo lang ang nakapag-avail sa amnestiyang ibinigay ng Kuwait.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,