Hong Kong employers na magpapatalsik ng COVID positive OFWs, isasama sa blacklist ng POEA

by Radyo La Verdad | February 24, 2022 (Thursday) | 27868

 Iniulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na may isang kaso ng Overseas Filipino Worker sa Hong Kong na pinatalsik sa trabaho matapos magpositibo sa COVID-19.

Ayon kay OWWA Administrator Atty. Hans Leo Cacdac, idudulog na ito ng pamahalaan sa Hong Kong Labor Department.

Kung itutuloy ng employer ang termination, maibibilang ito sa blacklisted ng Philippine Overseas Employement Administration at maaaring maharap sa illegal termination charges sa Hong Kong Labor Department.

“Sa talaan po natin ay parang isa lang po ang naka-record sa atin na ‘di pa makumbinsi ng employer, dudulog na po natin ito sa Hong Kong labor authorities,” ayon kay Atty. Hans Leo Cacdac, Administrator, OWWA.

Batay sa ahensya, 76 na OFWs na ang infected ng COVID-19 sa Hong Kong, walo ang admitted sa ospital, samantalang karamihan ay nasa public at private quarantine facilities o isolation facilities ng kanilang mga employer.

Subalit ayon naman sa Migrante-Hong Kong, marami pa ring kababayang domestic workers ang napapaalis sa trabaho matapos magpositibo sa COVID infection at hindi agad natutugunan ang pangangailangan para sa kanilang mga matutuluyan.

Kabilang ang samahan sa mga nakikipag-ugnayan sa non-governmental organization sa Hong Kong upang mai-link up ang mga pinoy na nangangailangan ng quarantine o isolation facility.

Panawagan naman ng grupo sa Philippine consulate, bilisan pa ang aksyon para sa infected OFWs lalo na sa panahong ito ng krisis sa kalusugan. 

“Una talagang massive ang terminations, especially pag nag-positive na sila, they immediately got terminated. And throw away from the house of their employer. ‘Yun din talaga ang ini-aappeal namin sa Hong Kong government at even sa consulate, provide ng quarantine facilities yung mga migrants anticipating na dadami pa siya,” sinabi ni Shiela Tebia Bonifacio, Vice Chairperson, Migrante-Hong Kong.

Nagpahayag naman ng duda ang Migrante-Hong Kong kung mareresolba ang suliranin ng termination sa mga infected migrant domestic workers sa gitna ng COVID crisis sa Hong Kong.

“Actually pwede nga ring ideny ng employer na hindi, hindi naman dahil nagpositive siya kaya ko siya tinerminate, kasi ayaw ko ang trabaho niya, they can do that. Hindi nila anu ‘yan, kasi wala namang employer ang magsasabi na terminate ko siya dahil nagpositive siya,” dagdag ni Bonifacio, Vice Chairperson, Migrante-Hong Kong.

Batay kay Philippine Consul General to Hong Kong Raly Tejada, lahat ng pinoy na nangangailangan ng emergency assistance at inilapit sa konsulada ay natulungan na.

Nagbigay na rin aniya ng assurance ang Hong Kong government sa pamamagitan ng Labor Department na ipagagamot at bibigyan ng isolation facility ang Philippine domestic helpers na mahahawa ng COVID-19 kung kinakailangan.

Rosalie Coz | UNTV News





Tags: , , , ,