Hinihinalang kaso ng Novel Coronavirus sa Cebu City, iniimbestigahan ng DOH

by Erika Endraca | January 22, 2020 (Wednesday) | 5628

METRO MANILA – Naka-isolate pa rin sa isang ospital sa Cebu City ang 5 taong gulang na batang lalaki na galing sa Wuhan, China na dumating sa bansa kasama ng kaniyang ina nitong January 12

Nakitaan ang batang Chinese ng mga sintomas ng bagong Coronavirus tulad lagnat, pangangati ng lalamunan at ubo. Stable na ang kalagayan nito sa ngayon bagamat inuubo pa rin.

Batay sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), negatibo ito sa Middle East Respiratory Syndrome- Related Coronavirus (MERS- COV) at severe acute Respiratory Syndrome- Related Coronavirus (SARS-COV).

Nguni’t nag- positibo ito sa hindi pa matukoy na uri ng Coronavirus kaya ipinadala ng RITM ang sample sa Australia upang matukoy kung anong strain ng Coronavirus ang tumama dito.

Mananatali aniyang person under investigation ang batang Chinese hangga’t wala pang resulta galing ng Australia.

Ayon sa DOH, naka-alerto ang lahat ng mga pampublikong ospital at mga pasilidad na hahawak sa ganitong mga kaso.

“Since we have a new novel coronavirus now probably there are needs to be more specific test to identify the strain” ani RITM Director, Dr Celia Carlos .

Paliwanag ng World Health Organization (WHO), ang Novel Coronavoirus ay common cold infection gaya ng ibang flu cases nguni’t maaring lumala ang infection at magkaroon ng severe cases gaya ng Pneumonia, Acute Respiratory Syndrome, Kidney Failure na maaaring humantong sa kamatayan.
Maaaring maihawa ng isang infected ng virus na ito ang kaniyang mga nakakahalubilo.

Nagsagawa na rin ng contact tracing ang Bureau Of Quarantine sa mga nakasabay sa eroplano at nakahalubilo ng batang lalaking Chinese. Inaasahan ng DOH na sa Huwebes (Jan 23) darating ang resulta ng sample mula sa Australia.

Samantala, wala nang nakitang sintomas ng Coronavirus sa 3 Chinese National na na-quarantine sa Kalibo, Aklan nitong mga nakaraang araw.

Sa ngayon, 222 na ang kompirmadong kaso ng Novel Coronavirus – karamihan dito ay naitala sa China, may 2 sa thailand at may tig-1 kaso sa Japan at South Korea.

Mahigpit na paalala ng mga otoridad, umiwas sa matataong lugar at sa mga may sakit, ugaliing maghugas ng kamay at lutuing maigi ang mga pagkaing karne at itlog.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: