Hiling ni Pangulong Duterte na extension ng martial law sa Mindanao, didinggin ng Kongreso bukas

by Radyo La Verdad | December 12, 2017 (Tuesday) | 2241

Nakatakdang magsagawa ng joint session ang dalawang kapulungan ng Kongreso ngayong linggo upang talakayin ang panukalang muling pagpapalawig ng matrial law sa Mindanao.

Ayon kay House Majority Floor Leader Rudy Fariñas, posibleng isagawa ito ngayong darating na Huwebes at Biyernes bilang bahagi ng 2nd regular session.

Hindi na rin umano kailangan pang ng special session dahil ang kanilang sesyon ay opisyal na magtatapos sa December 15, araw ng Biyernes.

Kahapon, pormal na hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara at sa Senado ang pagpapalawig ng batas militar sa buong rehiyon ng Mindanao mula January 1, 2018 hanggang December 31, 2018.

Pinagbatayan ng Pangulo ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police kaugnay sa umano’y patuloy na banta sa seguridad.

Kabilang na ang mga nalabi sa mga grupong pinangunahan nina Isnilon Hapilon at Maute brothers na nagsasagawa ng massive recruitment at regrouping.

Ang grupong Turaifie na nagpaplano umano ng mga pambobomba at target ang Cotabato area.

Ang mga grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighers at ang Abu Sayyaf na nakapagsagawa ng 43 na pag-atake at terorismo sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at Zamboanga, Peninsula kabilang na ang pagpaslang sa walong sibilyan at pamumugot sa tatlo nilang biktima.

Kasama na rin sa babantayan ang Communist Party Of The Philippines-New People’s Army-National Democratic Front.

Hindi naman nababahala ang Malakanyang kung may ibig magpetisyon sa Korte Suprema laban sa panukalang palawigin pa ang martial law sa Mindanao.

Umaasa rin ang Malakanyang na pagbibigyan ng Kongreso ang hiling ng administrasyong Duterte sa ikareresolba ng suliranin sa seguridad sa Mindanao.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,