Hiling na paninda ng isang nanay sa Pangasinan, ipinagkaloob ng MCGI at SB Team

by Radyo La Verdad | February 17, 2022 (Thursday) | 10291

Ipinagkaloob ng Members Church of God International (MCGI) at Serbisyong Bayanihan (SB) team ang hiling na paninda ni nanay Ruby Bacallo sa pagbisita ng grupo sa kanilang tahanan sa San Carlos City, Pangasinan nitong Biyernes (February 11).

Malaking bagay na sa pamilya ni nanay Ruby Bacallo ang natanggap na grocery items, dahil isa ang kanilang tindahan sa pangunahing pinagkukunan ng kanilang gastusin sa araw-araw.

Ayon kay nanay Ruby P350 lang ang kinikita niya sa kanyang trabaho habang nawalan naman ng mapagkakakitaan dahil sa pandemya ang kanyang asawa.

Hindi sumasapat sa kanilang pamilya ang kaniyang sahod kaya malaking tulong sa kanila na madagdagan ang kanilang paninda. Sa ngayon ay nag-aaral pa ang kanyang dalawang anak at kasama din nila sa kanilang bahay ang magulang ni nanay Ruby na kapwa may edad na.

Kaya naman naging emosyonal si nanay Ruby nang maisakatuparan na ng programa ang kaniyang kahilingan na mga karagdagang paninda.

“Salamat sa Dios kuya, maraming salamat sa MCGI. Maraming salamat kuya Daniel maraming-maraming salamat po” ani Nanay Ruby Bacallo .

Maliban naman sa mga grocery items, hindi man nabanggit ni nanay Ruby ay binigyan din siya ng isang tablet para sa pag-aaral ng kaniyang 2 anak.

(Marc Aubrey Gaad | La Verdad Correspondent)

Tags: ,