Mananatili ang pagbabawal ng Korte Suprema sa paggamit ng injectible contraceptive na implanon at implanon NXT matapos hindi pagbigyan ang hiling na bawiin na ang TRO laban dito.
Nais ng DOH na alisin ang TRO dahil masasayang lamang ang supply ng naturang contraceptives na nakatambak sa mga bodega ng gobyerno.
Sinabi na rin ni dating Health Secretary Janet Garin na malaking dagok ang TRO sa implementasyon ng RA 10-354 o RH law.
Ngunit hindi ito kinatigan ng second division ng SC.
Sa halip, ibinalik ng Korte Suprema sa Food and Drug Administration ang kaso at inatasang magsagawa ng pagdinig upang alamin kung pampalaglag ng sanggol ang mga contraceptives na implanon at implanon NXT.
Ito’y matapos mapatunayan ng korte na pitumpu’t pitong contraceptives ang inaprubahan ng ahensiya ng walang kaukulang konsultasyon sa publiko sa kabila ng pagtutol ng mga petitioner.
Giit ng mga petitioner sa kaso, lahat ng contraceptives na inaprubahan ng FDA ay abortifacient o nagsisilbing pampalaglag ng sanggol.
Inatasan ng Supreme Court ang FDA na gumawa ng panuntunan sa pagsusuri at pag-apruba sa mga contraceptive na gagamitin sa ilalim ng RH law.
Inatasan din nitoang DOH na gumawa ng detalyadong panuntunan sa pagbili at pamamahagi ng mga contraceptive.
Paliwanag ng korte, kailangan ito upang mapangalagaan ang karapatang mabuhay ng mga sanggol na nasa sinapupunan.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Hiling na bawiin ang TRO sa injectible contraceptives, Supreme Court