METRO MANILA – Matapos ang 4 na buwang pagkakatengga, aarangkada na muli bukas (July 3), ang mga tradisyunal na jeep sa iba’t-ibang mga lugar sa Metro Manila.
Sa pinakabagong memorandum circular na inilbas kagabi (July1) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Pinahihintulutan nang pumasada muli ang 6,002 unit ng mga tradisyunal na jeep, na tatakbo sa 47 ruta sa kalakhang Maynila.
Kabilang na dito, ang ilang jeep sa ruta ng Cubao, Malabon, Monumento, Ayala, Divisoria,Marikina, Kamuning, A. Bonifacio at iba pang mga lugar.
Batay sa guidelines, hindi na kinakailangang kumuha ng special permit ang mga tradisyunal na jeep,
Sa halip ay mayroong qr code na kinakailangan idownload ang operator, na siyang ipapa-print at ipapaskil sa jeep bago bumiyahe.
Pwedeng idownload ang QR code sa www.ltfrb.gov.ph
Bukod dito, pinaalalahanan rin ng LTFRB ang mga operator, na tanging ang mga jeep na may valid registration at pasado sa road worthiness test mula sa Land Transportation Office (LTO) ang pinapayagan na pumasada.
Kinakailangan rin na mayroong passenger insurance policy.
Dagdag pa ng LTFRB, mananatili sa P9 ang minimum na pasahe sa jeep para sa unang apat na kilometro ng biyahe, at dagdag na P1.50 sa kada susunod na Kilometro.
Obligado ang mga ito na ipatupad ang minimum health standards sa mga pampublikong sasakyan, tulad ng pagsusuot ng facemask, body temperature check,regular na pagdi-disinfect ng sasakyan, striktong physical distancing at iba pa.
Nakasaad sa memorandum, na sinomang mahuhuling lumalabag sa mga patakarang ito, ay posibleng patawan ng suspensyon o kanselasyon ng prangkisa.
Posible namang madagdag pa ang mga ruta sa mga susunod na araw, depende sa magiging demand ng mga pasahero.
Para malaman ang kumpletong listahan ng inaprubahang mga ruta maaring bisitahin ang official facebook account ng LTFRB.
(Joan Nano | UNTV News)
Tags: jeep