Higit 500 residente sa East Timor, benepisyaryo ng libreng medical mission na isinagawa ng mga Pilipino

by Radyo La Verdad | July 25, 2018 (Wednesday) | 4879

Kahirapan sa buhay at kakulangan sa mga pagamutan at doctor; ito ang mga dahilan kaya hindi magawa ng mga residente sa bayan ng Venilale sa East Timor ang makapagpakunsulta sa doktor at makabili ng gamot para sa kanilang mga karamdaman.

Isang oras ang kailangan nilang igugol sa pagbibiyahe para lamang makarating sa pinakamalapit na ospital sa sentro ng lungsod ng Baucau.

Kaya’t laking tuwa nila nang magsagawa ng libreng medical mission ang Embahada ng Pilipinas sa kanilang bansa katuwang ang Association of Filipinos in East Timor, Members of Church of God International (MCGI) at UNTV.

Umabot sa mahigit 500 pasyente ang napaglingkuran sa libreng medical at optical check-up.

Bukod dito, namahagi rin ng libreng gamot, reading glasses at pagkain sa mga residente.

Humanga naman ang isang Timorese doctor na lumahok sa naturang medical mission dahil sa isinagawang public service na ito ng mga Pilipino sa kanilang bansa.

Ayon naman kay Philippine Ambassador to East Timor Abdulmaid Muin, hindi ito ang una at huling pagkakataon na mag-oorganisa ang mga grupo ng mga Pilipino para mag-abot ng tulong sa mga Timorese.

Pinasalamatan din nito ang mga Filipino volunteer sa naturang public service.

 

( Lito Baje / UNTV Correspondent )

Tags: , ,