Nag-inspeksyon ng mga panindang karne sa Balintawak Market ang National Meat Inspection Service kaninang umaga. Layon nito na matiyak kung sumusunod ba ang mga nagtitinda ng karne sa mga palatuntunan ng ahensya dahil sa pagtaas ng demand ng karne lalo na’t papalapit ang holiday season.
Pero kanina, kinumpiska ang mahigit dalawan daang kilo ng mga karne ng manok, baboy at kalabaw na nakalapag lang sa sahig at mga frozen meat na hindi nakalagay sa chiller.
Nakitaan pa ng atay na kontaminado ng liver fluke, isang uri ng parasite. Paliwanag ng NMIS, makasasama ito sa katawan ng tao kapag nakain. Sinita din ng NMIS ang mga karneng nakapatong sa karton dahil mabilis umanong nasisira ang karne dahil dito. Paalala ng NMIS sa mga mamimili, suriing mabuti ang karne bago ito bilhin.
Kabilang sa mga palatandaan kung ang karne ba ay hindi ligtas kainin ay kung mayroon itong hindi kaaya-ayang amoy, malagkit kapag hinawakan at kapag baboy naman ay mas maitim na ang karne nito.
Ayon sa NMIS, paiigtingin pa nila ang pag-iinspeksyon sa iba pang tindahan ng karne sa metro manila para sa kaligtasan ng mga consumer.
( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )
Tags: Balintawak Market, kinumpiska, National Meat Inspection Service