Heat index, posibleng umabot ng 50 degrees sa mga susunod na araw – PAGASA

by Radyo La Verdad | April 5, 2022 (Tuesday) | 1719

METRO MANILA – Ramdam na ramdam na ang mas matinding init ng panahon simula nang pumasok ang buwan ng Abril noong nakaraang linggo.

Paliwanag ng PAGASA, kadalasan talagang nararanasan sa Pilipinas ang matinding init sa pagsisimula ng buwan ng Abril at tumatagal hanggang Mayo ang dry season.

Asahan na rin na mas makakaranas pa ng mas matinding init sa mga susunod na araw kung saan posibleng umabot pa sa 50 degrees ang maitatalang heat index o ang init na nararamdam sa katawan ng isang tao.

Nitong March 30, umabot sa 53 degree celsius ang naitalang heat index sa Dagupan Pangasinan na siyang pinakamataas na naitala ngayong taon.

Payo ng pag-asa sa publiko, laging magbaon ng pananggalang sa sikat ng araw tulad ng payong o pantakip sa ulo upang maiwasan ang heat stroke.

Dapat ding panatilihing hydrated kung lalabas ng bahay, mas mainam rin ang pagsusuot ng mga damit na may light colors upang makabawas sa pag-absorb ng init sa katawan.

Samantala, nagpaalala naman ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga motorista na iwasan na mag iwan ng alcohol sa loob ng sasakyan ngayong tag-init.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), ang mga ganitong bote ng alcohol ay posibleng pagmulan ng sunog kapag nababad nang direkta sa matinding sikat ng araw.

Payo ng ahensya sa publiko, huwag itong iwan sa loob ng sasakyan o di naman kaya’y huwag ipark ang sasakyan nang nakabilad sa araw

Bukod sa alcohol, delikado rin ang pag-iiwan ng iba pang mga flammable materials tulad ng hand sanitizer, butane gas, at anomang kemikal na may fuel substance dahil maaari itong pagmulan ng sunog.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: ,