MANILA, PHILIPPINES – Inutusan ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang lahat ng mga LGU sa Manila na higpitan ang isinasagawang health and security measures dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa nasabing lungsod.
Ayon sa opisyal, kailangan higpitan ang pagpapatupad ng minimum health protocols sa mga barangay at kalsada sa Maynila upang matigil ang pagtaas ng bilang ng kaso ng naturang sakit.
Binibigyan pahintulot ni Mayor Domagoso si Manila Barangay Bureau (MBB) Director Romy Bagay na magsagawa ng Barangay-level lockdowns sa mga lugar na may tumataas na bilang ng COVID-19 cases.
Pinaalahanan din ni Mayor Domagoso ang publiko, na sa kabila ng paghihigpit, ay dapat may galang parin sa mga Batang Maynila ang mga kasapi ng Manila Police District (MPD). Kasama din sa mga tutulong sa MPD na magmonitor sa mga protocols ang daan-daang COVID-19 safety marshals na idedeploy ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Kasama din sa hakbang ng LGUs sa Maynila kontra COVID-19 ay ang pagbibigay pagkain para sa 700,000 na pamilya, libreng pagbabakuna para sa gov’t healthcare workers at mass swab testing na sagot ng LGU.
(Jacobsen Aquino | La Verdad Correspondent)