Hatian ng employer at employee sa panukalang 3% dagdag-kontribusyon sa Abril, isinasapinal pa ng SSS

by Radyo La Verdad | February 7, 2018 (Wednesday) | 4383

Pinag-aaralan na ngayon Social Security System ang posibleng magiging hatian sa pagbabayad ng panukalang tatlong porsyentong dagdag sa kontribusyon ng mga miyembro ng SSS na planong simulan sa Abril.

Tiniyak ni Chairman Valdez na magiging makatwiran ang gagawin nilang hatian sa porsyento at ikinokonsidera rin anila na huwang masyadong pabigatan ang mga employer.

Ayon sa SSS ang pagtataas ay tutugon sa malaking pagkakaiba sa kontribusyon ng SSS at Government Service Insurance System o GSIS na nasa 21 porsiyento.

Nais ng SSS na magkaroon ng pantay na pensiyon ang mga empleyado ng gobyerno at pribadong sector. Base sa umiiral na sistema 2/3 ng buwanang kontribusyon sa SSS ang binabayaran ng isang employer habang 1/3 naman ang sinasagot ng isang empleyado.

Samantala, posible nang desisyunan ngayong Pebrero ng Social Security Committee ang kasong administratibo hinggil sa 4 na opisyal ng Social Security System na sangkot umano sa stock trading sa SSS.

Ayon kay SSS Chairman Amado Valdez, sa ngayon ay mayroon na silang draft resolution kaugnay sa resulta ng kanilang isinagawang imbestigasyon sa kaso.

Sa ngayon ay nasa floating status pa rin sina Capulong at Francisco, habang naghain na ng kanilang resignation letter sina Candelaria at Ongkeko.

Bagaman nagbitiw na sa kanilang posisyon sina Candelaria at Ongkeko, tiniyak naman ni Chairman Valdez na papananagutin pa rin ang mga ito sa oras na mapatunayang guilty sa kaso.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,