Halos 1,000 residente ng Brgy. Mayamot sa Antipolo Rizal, napaglingkuran sa medical mission ng MCGI, UNTV at Rotary Club

by Radyo La Verdad | August 23, 2018 (Thursday) | 2854

Isa ang Barangay Mayamot sa Antipolo Rizal sa mga lugar na binaha dahil sa mga pag-ulang dala ng habagat nitong mga nakaraang linggo.

Bagaman humupa na ang tubig-baha sa lugar, dumami naman ang bilang ng mga nagkakasakit dala na rin ng pabago-bagong klima.

Kaya naman binisita ng Members Church of God International (MCGI), UNTV at partner in public service nito na Rotary Club Rizal Centro ang Mayamot National High School noong nakaraang sabado upang magsagawa ng medical mission sa lugar.

Bukod sa mga estudyante, ilang mga residente din ng barangay ang sinamantalang makapagcheck-up sa mga volunteer doctor na kasama ng grupo.

Umabot sa siyam na raan at pitumpu’t siyam ang napaglingkuran sa libreng medical, pediatric, dental check-up at laboratory tests gaya ng ECG at CBG.

Nagkaroon din ng optical check-up kung saan mayroong libreng salamin at libreng gupit ng buhok para sa mga kalalakihan.

Nagkaroon din ng libreng legal consultation para sa mga may suliraning legal.

 

( Jennica Cruz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,