METRO MANILA – Maglalabas ng P3.2 billion ang Government Service Insurance System (GSIS) para sa kanilang mga pensioner bilang holiday cash gift ngayong taon.
Para sa mga pensioner na nakakuha ng mahigit P10,000 cash gift noong 2020, tatanggap sila ng katulad ng kasalukuyan nilang pension ngunit hindi hihigit sa halagang P12,600.
Tatanggap naman ng hindi hihigit sa halagang P10,000 ang mga pensioner na tumanggap ng P10,000 o mas mababa pa noong 2020.Gayundin sa pensioners na nag-resume ng kanilang regular monthly pension noong December 31, 2020.
Kwalipikado sa nasabing cash gift ang mga matatanda o may mga kapansanan na pensioners na buhay pa as of November 30, 2021 at nagretiro sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 8291 (GSIS Act of 1997), Presidential Decree No. 1146, and RA 660 (Magic 87).
Makakakuha rin ng kanilang kauna-unahang holiday cash gift ang retiree’s ng taong 2017 na nag-avail ng immediate pension sa ilalim ng RA 8291, gayon din ang mga miyembrong natigil bago marating ang edad 60 noong taong 2006 hanggang 2021.
Dagdag pa rito, para sa mga natigil na miyembro nang taong 2006 hanggang 2021 bago marating ang edad 60 at muling tumanggap na ng regular pension sa pagitan ng taong 2017 hanggang 2021 ay mapagkakalooban lamang ng cash gift kung sila ay regular pensioners ng at least 5 years.
Samantala, para naman sa mga pensioner na nasa suspended status dahil sa non-compliance sa Annual Pensioners Information Revalidation (APIR), magiging eligible lamang sila sa cash grant kung maisasaayos nila ang kanilang status on or before April 30, 2022.
Nilinaw naman ng ahensiya na ang mga survivorship pensioner, dependent pensioner na nakasailalim ng RA 7699 (Portability Law) kasama ang mga tumatanggap ng pro-rata pension ay hindi eligible sa nasabing cash gift.
(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)