GSIS at AFP, umakyat sa standings; Judiciary Magis, nakuha ang liderato sa UNTV Cup S9

by Radyo La Verdad | February 28, 2023 (Tuesday) | 24194

METRO MANILA – Naging kapana-panabik ang bakbakan ng mga lingkod-bayan sa pagpapatuloy ng UNTV Cup Season 9 noong linggo, February 26 sa Novadeci Convention Center, Quezon City.

Mula sa buena-manong pagkatalo ng GSIS Furies sa opening game ng second round eliminations kontra Season 5 Champion PNP Responders, ipinaramdam ng koponan ang kanilang bagsik matapos patumbahin ang defending champions DENR Warriors sa final score na 95-86. Itinanghal na best players sina James Abugan at Rene Boy Banzali na may combined 40 points.

Pagsapit ng second game ng triple-header match, walang habas na tinambakan ng Judiciary Magis ng 27 puntos ang PNP Responders sa kanilang ball game sa score na 85-58. Sa 85 puntos na ipinukol ng Magis, 35 puntos dito ay galing sa ex-PBA player na si Chester Tolomia na siya ring itinanghal na best player ng laban.

Sinipa naman ng three-time champion AFP Cavaliers paalis ng top seed at pinatikim ng ikalawang sunod na pagkatalo ang Season  6 Champion Senate Defenders sa main event na kung saan nag-ambag ng double-double performance si Darwin Cordero na mayroong 20 points at 10 rebounds.

Kasunod ng panalo ng Judiciary Magis at pagkatalo ng Senate Defenders, umangat na sa first place ng team standings ang Judiciary na may 5-2 win-loss record kasunod ang AFP at Senate sa ika-2 at ika-3 puwesto na may kapwa 4-2 record. Nag-improve rin ang standing ng GSIS sa ika-6 na puwesto na may 4-3 record kasama ng PNP at DENR.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,