Grupo ng mga magsasaka, pinasasauli sa NFA ang binukbok na bigas

by Radyo La Verdad | August 28, 2018 (Tuesday) | 2649

Hindi dapat tanggapin ng National Food Authority (NFA) ang inangkat na bigas ng bansa na nagkaroon ng peste o bukbok.

Ito ang giit ng chairman ng Samahan ng Industriyang Agrikultura (SINAG) na si Rosendo So. Duda ang grupo na matagal nang inani ang mga bigas na inangkat pa sa Thailand.

Nasa mga port pa sa Albay at Subic ang nasa 3,000 bags nito na kamakailan ay inihinto ang pagdidiskarga matapos matuklasan ang mga bukbok. Hindi pa rin aniya sigurado na ligtas itong kainin.

Ayon naman kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, pumasa sa kanilang pamantayan ang mga bigas bago ito pinayagang dalhin sa bansa.

Na-delay lamang aniya ang pagdidiskarga ng mga bigas dahil sa mga pag-ulan kaya’t uminit ang kinalalagyan ng mga bigas sa barko hanggang sa nagkaroon ito ng bukbok.

Giit ni Estoperez na pagkatapos ng fumigation ay ligtas pa ring kainin ang mga bigas.

Ayon naman kay House Committee on Agriculture chair Jose Panganiban, iimbestigahan nila ang insidente.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,