Ground handling contract ng Miascor, hindi na ni-renew ng Malacañang

by Radyo La Verdad | March 16, 2018 (Friday) | 3512

Problemado ngayon ang 53-anyos na si Mang Ernesto Alarcon dahil simula sa April 21, tuluyan na siyang mawawalan ng trabaho.

Kahapon inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pinaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panawagan na muling ikonsidera at payagan ang Miascor na makag-operate bilang isa sa mga ground handling services sa Ninoy Aquino International Airport.

Una nang iniutos ni Pangulong Duterte ang termination ng serbisyo ng Miascor matapos ang nangyaring pagnanakaw ng anim na empleyado nito sa bagahe ng overseas Filipino worker sa Clark International Airport.

Dalawampu’t isang taon nang nagta-trabaho sa Miascor si Mang Ernesto bilang tagabuhat at tagatulak ng bagahe.

Minimum lamang ang kanyang sinasahod dito, kaya naman kung minsan ay suma-sideline pa siya ng pangangalakal upang may maipandagdag sa kanilang panggastos kung kaya’t ganoon na lamang ang kanyang hinanakit sa naging pasya ng pangulo.

Sa pahayag ng Malacañang, sinabi rin umano ng pangulo na wala nang anomang makapagpapabago ng kanyang desisyon.

Sa kabila nito, patuloy pa ring umaapela sa pangulo ang mga empleyado ng Miascor.

Nangako naman ang Malacañang na ia-absorb ng iba pang ground handlers company sa NAIA ang mga kwalipikadong empleyado.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,