Sa tala ng Philippine Statistics Authority, tumaas ng 6.5% ang Gross Domestic Product ng bansa para sa ikalawang quarter ng 2017. Mas mataas ito ng isang puntos kung ikukumpara sa unang quarter. Sinusukat ng Gross Domestic Product o GDP ang kabuoang halaga ng mga produkto at serbisyo na nagagawa at nabibigay ng isang bansa.
Ayon kay National Economic Development Authority o NEDA Sec. Ernesto Pernia, sa ngayon pumapangalawa na ang Pilipinas sa China pagdating sa may pinakamalaking pag unlad ng ekonomiya sa Asya. Nahigitan na aniya ng ating bansa ang Vietnam at Indonesia.
Ang services at industry sectors partikular ang manufacturing, trade, real estate at business activities ang may pinakamalaking naambag sa pag-akyat ng GDP.
Maraming trabaho naman ang nalilikha sa patuloy na pag-unland ng sektor ng industriya at paggawa. Sinundan naman ito ng agriculture sector na patuloy na lumalago ngayong taon.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi makakaapekto sa GDP ng bansa sa isyu ng bird flu outbreak sa pampanga dahil contained naman ang mga insidente sa lugar. Hindi rin aniya apektado ng kaguluhan sa Marawi ang economic growth at malaki pa rin ang naiiambag ng Mindanao sa overall GDP ng bansa.
Sa kabila ng pagtaas ng GDP nitong mga nakaraang buwan, inireport rin ng PSA na mas mababa naman ito, kumpara sa kaparehong pahanon ng 2016, na nasa 7.1. Paliwanag ng kalihim, karaniwang trend na mas mataas ang GDP ng bansa tuwing taon ng national elections kaysa sa post election year.
Umaasa naman ang kalihim na tataas pa ang GDP ng bansa ngayon taon at makakamit na target na hanggang 7.5% growth.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)