Grade 5 student sa Albay makakapag-aral na ng maayos dahil sa ipinagkaloob na tablet ng Serbisyong Bayanihan

by Erika Endraca | February 3, 2021 (Wednesday) | 5853

Hindi inaasahan ni Nena Bariso mula sa Tabaco, Albay na mabibigyan ng tablet ang kaniyang anak na si Nico mula sa Serbisyong Bayanihan.

Humiling si Nico sa programa ng tablet na kaniyang magagamit sa pag-aaral gamit ang facebook account ng kaniyang magulang nang hindi nito nalalaman.

Kaya nagulat na lamang si Nena nang malaman ang ginawa ng anak.

Tuwang-tuwa naman ang bata na may magagamit na itong bago at maayos na gadget sa kaniyang pag-aaral.

Nanghihiram lang umano siya ng cellphone sa kaniyang pinsan kaya minsan ay hindi ito makasama sa kaniyang lecture.

Hindi rin naman ito mabilhan ng kaniyang magulang ng sariling gamit dahil wala itong regular na trabaho.

Kaya labis ang tuwa ng bata dahil simula ngayon ay makakapag-aral na ito ng maayos.

Nasa grade 5 na ngayon si Nico na pangarap maging isang pulis upang makatulong na rin sa kaniyang mga magulang, at sa tulong ng Serbisyong Bayanihan, ang pangarap ni Nico ay hindi na malayong makamit.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: