Grace Poe at Leni Robredo, pinakamalaki ang nagastos sa pangangampanya

by Radyo La Verdad | June 9, 2016 (Thursday) | 6654

VICTOR_POE-ROBREDO
Bago matapos ang deadline ng COMELEC kahapon, naisumite nina vice presidential candidates Bongbong Marcos, Chiz Escudero, Gringo Honasan, Antonio Trillanes IV, Alan Peter Cayetano at Vice President-elect Leni Robredo ang kanilang uĺat ng tinanggap na kontribusyon at gastos sa pangangampanya.

Batay sa Statement of Contributions and Expenditures ng anim na kandidato si Honasan ang may pinakamababang natanggap na kontibusyon at gastos sa pangangampanya.

Habang si Robredo naman ang natanggap ng pinakamalaking campaign contribution na umabot sa 423 million pesos.

418.66 million pesos naman ang kaniyang ginastos sa kampanya na pinakamalaki din sa mga tumakbong bise presidente.

Sa mga kumandidatong pangulo naman na nakapagsumite ng SOCE, si Miriam Defensor Santiago ang nakapagtala ng pinakamababang tinanggap na kontribusyon at gastos na umabot lang sa mahigit 74 million pesos.

Pinakamalaki naman ang tinanggap na kontribusyon ni poe na nasa 511.95 million pesos habang pinakamalaki din ang gastos niya sa.kampanya na umabot sa 510.8 million.

Pumapangalawa si Vice President Jejomar Binay na gumastos ng 463 million pesos.

Si President-elect Rodrigo Duterte ay tumanggap ng kontribusyon na aabot sa 375 million pesos.

Pinakamalaking contributor ni Duterte si Antonio Floiredo ng Davao City na nagbigay ng 75 million pesos.

Subalit 371 million pesos lang ang ginastos niya sa kampanya kabilang na dito ang 200 libong piso na galing sa sariling bulsa.

Hindi naman nakapagsumite ng SOCE si Liberal Party Standard Bearer Mar Roxas.

Batay sa rules ang kandidato,nanalo man o natalo, na hindi nakapagsumite ng SOCE sa unang pagkakataon ay pamumultahin mula 10,000 hanggang 30,000 habang ang hindi tumupad ng 2 o higit pang pagkakataon ay maaaring madiskwalipika na sa pagtakbo sa mga susunod na halalan.

Kung pagbabatayan naman ang datos sa SOCE, pasok sa campaign expenditure limit para sa presidential at vice presidential candidate ang mga ito na dapat ay hindi lagpas sa 550 million pesos o 10 piso lang sa bawat botante.

Subalit dadaan pa sa pagsusuri ng COMELEC ang mga isinumiteng dokumento.

Aabot naman sa mahigit 1.1 billion pesos ang kabuoang ginastos sa pangangampanya ng mga kandidato sa pagkabise presidente.

Pumalo naman sa 1.4 billion ang sa mga tumakbong pangulo subalit hindi pa kabilang dito ang ginastos ni Roxas.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,