Giant wedding cake, tampok sa isinagawang mass wedding sa Baguio City

by Radyo La Verdad | September 27, 2018 (Thursday) | 4541

Bahagi na ng pag-iisang dibdib ang pagkakaroon ng wedding cake. Mayroong simple at mayroon din namang bongga.

Ngunit para sa apatnapu’t tatlong pares na nagpakasal nitong weekend sa Baguio City, extra  memorable ang kanilang reception dahil sa espesyal na wedding cake na inihandog sa kanila ng Hotel and Restaurant Association of Baguio (HRAB).

Ang giant wedding cake ay regalo ng grupo para sa mga love bird sa isinagawang mass wedding at bahagi ng celebrasyon ng Hotel and Restaurant Tourism Weekend.

Ang malahiganteng four-tiered cake ay may apat na flavor. Ito ay ang banana, carrot, vanilla at ang all time favorite na chocolate .

20 pastry chefs at 30 professional bakers ang nagtulong-tulong upang mabuo ito sa pangunguna ng executive pastry chef na si Arthur Nucaza.

Ilan sa mga sangkap ng higanteng wedding cake na ito ay ang 800 kilong asukal, 20 kilong harina at mga espesyal na sangkap.

May taas itong 20 feet at bigat na 14 tons at nagkakahalaga ng higit 1.3 milyong piso. Higit sa lahat, kaya nitong pakainin ang nasa sampu hanggang labing dalawang libong tao.

Sinangkapan din ito ng labinwalong libong piraso ng itlog, sampung kilong walnuts, 25,000 pirasong saging at limandaang kilong carrots.

Ayon kay Chef Nucaza, ito na ang pangatlong pinakamalaking cake na ginawa ng HRAB. At dahil hindi naman mauubos ng mga bagong kasal ang cake, ipinamigay ang iba nito sa mga tao sa mall.

Nabahaginan din ng giant wedding cake ang evacuees sa Itogon, Benguet na nasalanta ng Bagyong Ompong, habang ang iba ay para sa 43 na mag-asawa at mga volunteer na tumulong sa paghahanda sa higanteng cake.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,