“Ghost scholars” ng TESDA, nangyari sa nakaraang administrasyon – Sec. Mamondiong

by Radyo La Verdad | August 24, 2018 (Friday) | 3211

Dumipensa si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Guiling Mamondiong sa lumabas na ulat ng Commission on Audit tungkol sa “ghost scholars.”

Ayon sa TESDA chief, hindi sa ilalim ng kaniyang pamamahala nangyari ang naturang anomalya.

Batay sa ulat ng COA, nagbayad ang TESDA ng 9.3 milyong piso para sa Java training at software development para sa 310 scholars at 1.47 milyong piso naman para sa pagsasanay ng 270 scholar sa kursong bartending. Ito ay sa kabila na ang mga eskwelahan at listahan ng mga trainees ay hindi naman umiiral.

Ayon kay Mamondiong, isa sa eskwelahan ay nagsauli ng tinanggap na pera patunay lamang aniya na may namamayagpag na ghost scholars at training schools.

Ayon sa kalihim, pagkaupo pa lamang niya sa TESDA ay nagbuo na siya ng technical audit team na maglilibot sa mahigit apat na libong eskwelahan na may programa ng TESDA upang matiyak na nakasusunod sila sa regulasyon ng ahensya at may sapat na kagamitan para sa pagpapatakbo ng mga technical-vocational training programs.

Batay sa naging resulta ng inspeksyon, 175 na training centers at 6,273 na programa ang kanilang naipasara.

Nagbuo na rin ng isang inspection team ang TESDA upang busisiin ang mga training centers na nabigyan ng scholarship slots.

Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan na rin ng kalihim ang anomalya sa ghost scholars batay sa COA report at tiniyak na may mananagot kung sinoman ang mapatutunayang sangkot dito.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,