Fully vaccinated travelers mula sa green countries, maaaring di na sumailalim sa facility-based quarantine pagpasok ng Pilipinas

by Erika Endraca | October 14, 2021 (Thursday) | 4021

METRO MANILA – Niluwagan na ng gobyerno ng Pilipinas ang mandatory facility-based quarantine sa mga fully vaccinated travelers mula sa mga bansa o hursidiksyon na itinuturing na green o mababa ang banta ng COVID-19 infections.

Pagdating sa bansa, kinakailangan na lamang ipresenta ng mga fully vaccinated foreign national at pinoy ang negatibong resulta ng RT-PCR test na kinuha nila 72 oras bago ang kanilang departure.

Hindi na sila obligadong sumailalim sa facility-based quarantine subalit hinihikayat na sumailalim pa rin sa 14-day home quarantine at self-monitoring para sa mga sintomas.

Kung walang RT-PCR test result, pwede namang piliin ng mga pinoy passenger na sumailalim sa facility-based quarantine hanggang i-release ang kanilang negative RT-PCR test.

Para sa mga Overseas Filipino Worker, kanilang mga asawa, magulang o anak na bumibiyahe kasama nila gayundin ang mga non-OFWs, at foreigners na nabakunahan sa Pilipinas.

Maaari nilang ipresenta para sa validation ng kanilang vaccination status ang Vaxcertph Digital Vaccination Certificate, International Certificate of Vaccination na galing sa Bureau of Quarantine o world health organization o ang national digital certificate ng foreign government kung saan sila nabakunahan.

Sa mga foreign national naman na nabakunahan abroad, ang WHO-issued International Certificate of Vaccination o National Digital Certificate ng foreign government ang maaari nilang ipresenta.

Sa mga hindi pa bakunado, partially vaccinated o mga indibidwal na hindi matukoy ang vaccination status, sasailalim sila sa facility-based quarantine hanggang makakuha ng negative RT-PCR test sa ikalimang araw at dapat mag-self monitoring hanggang sa ika-14 na araw mula arrival.

Dapat namang makapag-secure ng hotel reservations ang mga foreign national sa loob ng 6 na araw.

Ang mga menor de edad naman hindi pa bakunado o partially vaccinated ay kinakailangang sumunod sa quarantine protocols at samahan sa facility-based quarantine ng kanilang mga magulang na bakunado na.

Halos 50 bansa at hurisdiksyon ang kabilang sa listahan ng green countries at territories.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: