Fuel excise tax, pinananatili ni Pangulong Duterte; dagdag-ayuda sa mahihirap na pamilya, inaprubahan

by Radyo La Verdad | March 17, 2022 (Thursday) | 9484

May go signal na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang pagpapataw ng fuel excise taxes. Gayundin ang pagkakaloob ng dagdag na buwanang subsidya sa mga kabilang sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa sa halagang 200 piso kada buwan o 2,400 pesos sa loob ng isang taon sa gitna ito ng tuloy-tuloy at mabilis na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Bukod pa ito sa fuel subsidy sa public transportation drivers, mga magsasaka at mangingisda na ipinatutupad na ng gobyerno.

“Inaprubahan ng Pangulo ang dalawang rekomendasyon ng Department of Finance (DOF) kaugnay sa pagtaas ng fuel price. Una ang pag-retain ng fuel excise taxes na ini-impose ng train law dahil ang pagsuspinde nito ay magrereduce ng government revenue ng 105.9 billion pesos na magpopondo sa mga programa ng pamahalaan, at pangalawa ang pagbibigay ng targeted subsidies ng 200 bawat household to the bottom 50% of households,” pahayag ni Sec. Martin Andanar, Acting Presidential Apokesperson/Cabinet Secretary.

Ayon naman kay Sec. Carlos Dominguez III ng Dept. of Finance, “We provide targeted subsidies of 200 pesos per month per household for 1 year to the bottom 50% of Filipino households. This will amount to 33.1 billion pesos in budgetary requirements.

Aminado si Sec. Dominguez, hindi sapat ang halagang ito subalit sustainable naman at affordable ng gobyerno.

Kukunin aniya ang pondo sa higher VAT na makokolekta ng pamahalaan mula sa pagtaas ng presyo ng langis.

Sa ngayon, wala pang detalye kung kailan maipapamahagi ang dagdag na ayuda.

Samantala, nagbabala naman ang National Economic Development Authority (NEDA) na dapat maging maingat sa pagdedesisyon kaugnay ng panawagang dagdag-sahod at dagdag-pasahe.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua, magbibigay-daan ito sa pagsipa ng inflation o ibayong pagtaas ng antas ng presyo ng mga bilihin na makaaapekto sa lahat.

“Kaya dapat we should be concerned not only for one sector or one type of worker. Dapat po lahat po ay concern po natin. So ang epekto po nito, kung magtaas po ‘yung minimum wage, halimbawa, at ‘yung mga fares ng jeepney, buses, ay magdadagdag ito sa ating inflation rate by 1.4 percent. So ‘yung 3.7 percent na sabi po ng Central Bank ay expected ay madadagdagan ng 1.4, magiging 5.1 percent na,” pahayag ni Sec. Karl Chua, Socioeconomic Planning Secretary, NEDA.

May panukala naman ang Department of Labor and Employment na magkaroon ng three-month wage subsidy sa halagang 24 na bilyong piso mula buwan ng Abril hanggang Hunyo. Para ito sa isang daang milyong manggagawa sa vulnerable sector o mga minimum wage earner.

Hinggil naman ng mga petisyon para sa dagdag-pasahod sa anim na rehiyon, posibleng maisagawa ang public hearings kaugnay nito sa buwan ng Mayo o Hunyo.

Kaugnay naman ng mga panukalang four-day workweek at pagpapalawig ng work from home arrangement, kinukunsidera ito ng tanggapan ni Pangulong Duterte lalo na kung lalala ang sitwasyon ayon sa palasyo.

Rosalie Coz | UNTV News



Tags: ,