Inatasan na ni Sec. Vitaliano Aguirre ang National Bureau of Investigation na tingnan ang posibleng pananagutan ng mga opisyal ng nakaraang administrasyon kaugnay anomalya sa dengue vaccine program.
Kabilang sa iimbestigahan si dating Pangulong Benigno Aquino III na nag-apruba sa programa at si dating Health Sec. Janette Garin na nanguna sa implementasyon nito. Isinagawa ang malawakang pagbabakuna sa Central Luzon, CALABARZON at Metro Manila.
Panawagan ni Aguirre sa mga nakaranas ng masamang epekto ng Dengvaxia, makipagtulungan sa imbestigasyon ng NBI. Bukod sa posibleng kapabayaan, aalamin din sa imbestigasyon kung may perang naibulsa mula sa 3.5 billion pesos na kontrata.
Sa inilabas naman na pahayag ni former Secretary Garin, sinabi nito na nagsimula na ang naturang vaccination program plan bago pa man siya manungkulan sa DOH at ipinatupad nila ito sa patnubay at rekomendasyon ng World Health Organization. Bukas din siya sa imbestigasyon ng DOJ at maging ng senado.
Aniya, nakahanda siyang sagutin ang mga katanungan sa tamang panahon at sa proper forum. Ngunit humingi muna ng pang-unawa ang dating kalihim na pabayaan muna siya sa ngayon na makapiling ang kaniyang ama na mayroong health condition.
Samantala, nakahanda rin ang Sanofi Pasteur at ang Department of Health na makipagtulungan sa gagawing imbestigasyon
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: Aquino, dengue vaccine anomaly, NBI