Fish vendor, muli nang makakapagtinda dahil sa tulong ng programang Serbisyong Bayanihan

by Erika Endraca | January 13, 2021 (Wednesday) | 3786

Ilang mga kababayan na naman natin ang natulungan at naisakatuparan ang kanilang mga munting kahilingan sa tulong ng programang Serbisyong Bayanihan.

Isa na rito si Roderick Yanan na taga Naic, Cavite. Pagtitinda ng isda ang pangunahing ikinabubuhay ni mang Roderick pero natigil ito sa pagtitinda nang mag-lockdown dahil sa umiiral na pandemya.

Sa kadahilanang hindi siya makalabas at walang masyadong pumapalaot dahil sa lockdown ay naubos pati ang sana’y pampuhunan ni mang Roderick sa kanyang pagtitinda.

Sa kabutihang palad ay napag-alaman niya ang ginagawang pagtulong ng programang Serbisyong Bayanihan na ipinanukala ni Mr Public Service Kuya Daniel Razon na naglalayong matulungan ang sinomang kababayan nating nangangailangan anoman ang estado sa buhay, kasarian, o relihiyon.

Naisipan ni mang Roderick na humingi ng tulong sa pag-asang makapag hanapbuhay at muling makabangon sa kahirapang dala ng pandemya.

Hindi naman ito nabigo dahil agad na tinugunan ng programa ,sa tulong na rin ng ilang sponsors, ang kahilingan nitong pampuhunan sa kaniyang negosyo.

Kaya naman lubos ang pasasalamat ni Mang Roderick dahil sa wakas ay may pag-asa na muli silang pinanghahawakan na malalagpasan din nila ang dinaranas na kahirapan.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: