Kasama sa tinalakay sa En Banc Session ng Supreme Court kahapon ang mga motion for reconsideration sa kanilang desisyon noong Marso a otso na nagsasabing kwalipikadong tumakbo bilang pangulo ng bansa si Senador Grace Poe.
Nais kasi ng Commission on Elections at ng mga private respondent na baguhin ng korte ang kanilang desisyon sa disqualification cases ni Senador Poe.
Ilan sa puntong binigyang diin sa mosyon ay ang sinasabi ng ating Mataas na Hukuman na walang kapangyarihan ang Comelec na humatol sa kwalipikasyon ng isang kandidato sa pagka pangulo dahil ito ay nasa kamay ng Presidential Electoral Tribunal.
Iginigiit din ng mga nagpetisyon laban kay Poe na wala pang majority ruling sa isyu ng citizenship ng senadora dahil pitong mahistrado lamang ang nagsabi na siya ay natural born citizen.
Natagalan pa ang deliberasyon ng mga mahistrado ngunit ganito lamang ang naging anunsyo ng tagapagsalita ng mataas na hukuman.
“The decision will be announced on Saturday, 9 April 2016.” pahayag ni Supreme Court Atty Theodore Te
Bukod dyan ay wala nang ibang detalyeng ibinigay ang Korte Suprema.
Wala ring paliwanag kung bakit ilalabas ang desisyon sa araw ng Sabado at holiday pa dahil sa paggunita sa Araw ng Kagitingan.
Labing apat na mahistrado ang kasama sa deliberasyon at tanging si Justice Estela Perlas Bernabe lamang ang wala dahil naka leave ito.
Gayunman ito na ang magiging pinal na desisyon sa kaso dahil motion for reconsideration na ang reresolbahin dito.
Samantala, sa ibang balita ay hindi naman pinagbigyan ang hiling na magdaos ng oral arguments sa kaso ng K to 12 program.
Sa halip ay pinagsusumite lamang ng kani-kanilang memoranda ang magkabilang panig sa loob ng dalawampung araw.
(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)
Tags: motion for reconsideration, Senador Grace Poe, Supreme Court